Featured

Ano, Bakit, at Paano

Ang panitikan ang magsisilbing ilaw na gagabay sa kamalayan ng isang mamayan.

Ano ang Panitikan?

Ang salitang “Panitikan” ay nagmula sa salitang-ugat na “titik” at may panlaping “pan” at “an”.

Ang panitikan ay kalipunan ng akda na binubuo ng mga titik na inilalarawan o nilalahad ang obserbasyon, representasyon, kritisismo at iba pang nais iparating ng manunulat.

Ang panitikan ay maituturing na sining sapagkat ito ay sinasagawa sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng katotohanan at pagtatagpiin ang nasaliksik upang makabuo ng maganda at makabuluhang bagay gaya na lamang isang akda na ipinapahayag sa madla.

Bakit kailangan pag-aralan ang Panitikan?

Ang isang komunidad na hindi naguukol ng panahon sa panitikan ay nagkakaroon ng matitinding suliranin sa pakikipagugnayan.

Nararapat na pag-aralan ang panitikan sapagkat hinahasa nito ang pag-iisip at pinapalawak ang perspektibo ng isang tao.

Nahahasa ang pag-iisip ng isang tao kapag mas naipapahayag niya ang kanyang saloobin ng walang bumabalakid sa berbal, talino at imahinasyon.

Napapalawak ang perspektibo ng isang tao kapag nagiging kritikal ang paraan ng pag-iisip, mas pinapalalim ang kaalaman at binibigyan ng kahulugan ang mga pangyayari, at naiuugnay ang nahanap na kahulugan sa sarili.

Nararapat lang na pag-aralan ang panitikan upang magising ang nagsusunod-sunurang utak ng mamamayan sa isang sistemang hindi nakatutulong sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay, nadadagdagan ang kanilang kaalaman kung kaya’t mas nagiging aktibo sila sa pagtatanong at paghahanap ng solusyon na makapagpapaunlad sa kanilang kasalukuyang estado sa lipunan.

Paano pinag-aaralan ang Panitikan?

Mapag-aaralan ang panitikan sa pamamagitan ng tatlong batayan;

Porma o anyo, kung saan tinutukoy kung papaano ang pagkakaayos ng isang akda. Mayroon bang direksyon ang pagkakasulat ng manunulat at madaling masundan ng mambabasa ang takbo ng akda. Kabilang rin ang anyo ng mga salitang ginamit kung angkop ba ito para sa ikaka-intindi ng mambabasa. Kung maayos ang porma ng isang akda maaaring tumatak ito sa isipan ng mambabasa.

Nilalaman, ang isang akda ay palaging may nais iparating kung kaya’t kailangan suriin maigi kung ano ang nilalaman. Maari itong personal, politikal, pilosopikal, ideolohikal at iba pang konteksto na nais iparating ng manunulat. Ang konteksto ay nagmumula sa paligid o pangyayari na naganap noong panahon ng manunulat na naghikayat sa kanya upang bumuo ng isang akda. Isang pagsubok sa isang manunulat kung papaano malikhaing ipapahayag ang konteksto dahil sa bawat akda dapat mayroon bagong naipapakita ang manunulat.

Orihinalidad, bawat manunulat ay mayroong sariling estilo ng pagsusulat doon nila pinapakita ang kanilang pinagkakaiba. Isa sa layunin ng manunulat ay makagawa ng isang akda kung saan ito ay maipapahayag sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan kung kaya’t patuloy silang nagsasaliksik, nag-aaral, at nag-eexperimento ng iba’t-ibang estilo upang mas maipahayag nila ang kanilang akda sa makabagong paraan.

May mga lente na pwedeng magamit upang mas lalo pang masuri ang mga akda, gaya ng Marxismo, Peminismo, Strukturalismo, at Postrukturalismo. Makakatulong ito upang mas maintindihan ng mambabasa kung ano nga ba ang nais parating ng manunulat

Ang mga akdang pampanitikan ay walang ibang sinasabi kundi ang tungkol sa mga karanasan at kaisipan nating mga tao kung kaya’t mahalaga na lagi natin silang nauunawaan at napag-aaralan.

Ang panitikan ang siyang magbibigay ilaw kung saan magsisilbing gabay ng mamamayan hindi lang sa nakaraan kundi patungo sa hinaharap.

Pagsusuri ng Maikling Kwento

Ritwal

Levy Balgos Dela Cruz

Ang edukasyon ay kailangan ibigay sa lalong nangangailangan. Ang edukasyon-tulad ng demokrasya-ay dapat tamsahin ng nakararaming mamamayan.

Kaya hindi umuunlad ang isang komunidad dahil hindi nabibigyan ng maayos na edukasyon ang kabataan, mapalad ang mga taong nakatira sa lungsod at nakatatamasa ng libreng edukasyon. Ngunit isang kasamaang palad naman ang mga nakatira sa mga liblib na lugar sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa na hindi kayang makaluwas pa-lungsod upang makapag-aral.

Dahil hindi natutugunan agad ng gobyerno ang suliraning ito kung kaya’t anim mula sa sampung pamilya ang mayroong miyembro ang hindi na kapag tapos ng pag-aaral.

Nakakalungkot isipin na marami sa mga Pilipino ang hindi nakapagtapos sa pag-aaral, isa sa mga natutunan ko sa akda ay ang kapangyarihan ng edukasyon na makapagpabago ng mga atrasadong paniniwala at magmulat ng kaisipan sa mga kabataan sa katiwalian sa kanilang komunidad. Gamit ang edukasyon magkakaroon ng aksyon tungo sa pagbabago o pagtatama sa kasalukuyang sistema ng lipunan.

Tao ang nagpapasya sa sarili kung ano ang gusto niyang gawin, at siguro’y nagmamasid lang ang Diyos.

Ang kinikilos ng tao ay hindi dinidikta ng Diyos, ginawa nga ang tao ng may sariling pag-iisip. Simula pagkabata ang pag-iisip ay hinuhubog sa pamamagitan ng edukasyon sa ganitong pamamaraan nagkakaroon sila ng kamalayan sa kung ano ang tama at mali.

Ang pagpapasya ng tao ay sumasalamin sa kanyang nakuhang edukasyon.

Ang Facism ay nailalarawan ni Maestro Gido sapagkat ang mga tao sa Santo Sepulcro ay nasa ilalim ng kanyang paniniwala. Kontrolado ni Maestro Gido ang mga katotohanan na lumabas tungkol sa mga taong nagagamot o namamatay sa kanyang kamay.

Ang Democracy naman ay nailalarawan ng mag-asawang si Lorie at Emman, sila ang nanghihikayat sa mga tao upang maging malaya sa mga paniniwala ni Maestro Gido. Binibigyan nila ng kamalayan ang mamamayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga simpleng technique kung papaano nila mapapaunlad ang kanilang pamumuhay at kalusugan.

Pagsusuri ng Maikling Kwento

Kubeta

Nancy Kimuell-Gabriel

Iba ang kaligayahan na mararamdaman ng isang tao kapag nakamit niya ang kanyang ninanais kaya maraming nagsusumikap na makapag-aral ay dahil ayaw nilang maranasan ng kanilang susunod na henerasyon ang pagtitiis sa kahirapan.

Bakit nga ba parte na ng sistema ang kahirapan?

Maiuugnay ko ang mga katagang ito na nagmumula sa teksto;

Isang imahe na pilit kong iwinawaksi sa aking gunita pero habang pinipilit kong kalimutan ay lalo ko lamang naalala.

Kaya ko ito naiugnay ay dahil sa kadahilanang ang mga kapwa Pilipinong dumaranas ng kahirapan ay pilit kumayod at magpakahirap na magtrabaho upang maiahon ang kanilang pamilya subalit patuloy paring nagdurusa sa kahirapan sapagkat laganap ang exploitation, capitalism at iba pang sistema na pilit kinukulong ang mga mahihirap na maging mahirap.

Paano nagiging laganap ang kahirapan?

Maiuugnay ko ang mga katagang ito na nagmula sa teksto;

Bawal daw kasing mag-usisa ang bata noon. Hindi rin puwedeng sumagot sa nakakatanda. Mananatiling tikom ang bibig at saloobin.

Para sa akin ang mga matatanda rito ay ang mga may katungkulan o parte ng gobyerno, at ang mga bata naman ay ang mga mulat sa mga kaganapang nagaganap sa gobyerno. Ayaw ng gobyerno na lumalaban at nanghihikayat ang mga taong mulat upang isiwalat ang mga katiwaliang nangyayari sa loob ng gobyerno. Isang halimbawa ay ang kaganapang nangyayari tulad ng ugnayan ng bansang China at Pilipinas, marami ang hindi sumasang-ayon at nagpapahayag ng hinaing laban sa hakbang ng gobyerno, dagdag pa rito ipinasa ang Anti-Terrorism Bill upang masiguro ng gobyerno ang pag-onti ang paglaban ng mga taong mulat.

Pagsusuri ng Maikling Kuwento

Dangal

Norman Wilwayco

Matapang na naipapahayag ng manunulat ang mga isyung panlipunan gaya na lamang ng kontraktuwalisasyon, pagsuhol at ang paninirang-puri sa kapwa Pilipino. Ang uri ng mga salitang ginamit ay pang karaniwang Pilipino lamang kung kaya’t madaling intindihan ang nais iparating ng manunulat.

Matapos kong mabasa ang akda ay lubha kong kinamuhian ang ginawa ni Chris na plano para kay Marissa sapagkat hindi makatao ang pinakitang asal ni Chris. Parehas silang naging average student sa loob ng pamantasan ngunit nang makaangat sa pagiging average student si Chris ay tila nakalimutan niya kung sino at ano siya noon at nagawa pa niyang siraan ang kapwa niya average student noon. Hindi man lang niya naisip o naalala ang hirap na pinagdaanan ng isang average student at ang masaaklap pa rito ay mas lalo pa niyang pinahirapan ang kalagayan ni Marissa sa loob ng pamantasan.

Maiuugnay ko sa akda ang kasalukuyang estado ng bansa kung saan hindi umuunlad dahil laganap ang mga hindi tamang gawain gaya na lamang ng korapsyon na bunga ng pagsusuhol, kawalan ng maayos na pagkakakitaan ng dahil sa kontraktuwalisasyon, at ang pagtapal ng salapi upang pagtakpan ang paglabag sa batas. Ang mga taong maraming salapi ang tanging nakalulusot sa batas kaya tumatatak sa kanila na magagawa nila ang kanilang ninananais nila kung kaya’t nananatiling ang hindi maayos na sistema sa loob ng Pilipinas.

Pagsusuri ng Maikling Kuwento

Kasal

Eli Rueda Guieb III

Habang patapos na ang aking pagbabasa tila nagmistulang talon ang aking mga mata na patuloy ang daloy nang rumagasang tubig. Sapagkat maiuuganay ko ang aking karanasan sa mga katagangang;

“kung minsan nga ay tinatapos din ang relasyon kahit wala namang pag-ibig na tinatapos.”

Labis ang aking pag-sang ayon sa mga katagang ito sapagkat mga ilang buwan na ang lumipas nang makipaghiwalay ako sa aking dating sinisinta, gaya ng nasa akda kami ay nagpasiyang maghiwalay hindi dahil may nagloko o hindi seryoso sa relasyon kundi alam namin sa isa’t isa na wala kaming maayos na pudasyon at kung pinagpatuloy namin ang relasyon ay mas lalo lang kaming magkakasakitan. Ang aking napagtanto kapag tunay mo ngang minamahal ang isang tao hindi mo siya hahayaang masaktan at hindi mo siya ikukulong sa isang relasyon na hindi magdudulot ng kanyang pag-unlad.

“yung iisipin kita habambuhay, iyon, tiyak ako, pwede kong ipangako iyon sa iyo. At ‘yong mamahalin kita habambuhay, puwede ko rin sigurong ipangako iyon sa iyo. Kahit hindi na tayo magkasama.”

Labis na mararamdaman ang magkahalong pagmamahal at pighati sa paglipas ng hiwalayan sapagkat hindi biro ang bumuo ng relasyon, may realidad nang nabuo sa pagitan ng dalawang magkasintahan kung kaya’t labis na pagsubok ang kinakailangan harapin upang makapagsimula ulit ng bagong realidad, isang realidad na hindi na kasama ang dating minamahal.

Mahusay na naipahayag ng manunulat ang maikling kwento sa pamamagitan ng iba’t – ibang uri ng tayutay tulad ng metapora, personipikasyon at iba pa na nagbibigay kulay sa bawat sitwasyon at nagbibigay diin sa emosyon na nararamdaman ng bawat tauhan.

Design a site like this with WordPress.com
Get started